Basura

Basura
Katulad ng basura. ako ay itinapon ng aking totoong magulang. Ngunit mayroon tayong kasabihan na sa bawat basura ay may nakatagong kayamanan, at iyon ang aking ipinagmamalaki, sapagkat, narito sa aking mga kamay ang kumikinang na Diploma....ang Diploma mula sa isang Ibinasura.

Tuesday, February 1, 2011

Bukang Liwayway


“ Wala nang makahihigit pa, kahit anumang sandata,makapagtitibay sa bansa, ‘pag may pagkakaisa sa madla”.
          Ang bansang ating kinabibilangan sa ngayon ay isa sa mga itinuturing na bansang may itinatagong maharlikang pamumuhay. Ngunit, ito ay natatabingan lamang ng mga isyung nagpapagulo at nagiging hadlang sa ating pag-unlad. Hindi natin maikakaila na kaliwa’t kanan na ang mga batikos tungkol sa ating pamahalaan. Harap at likuran naman ang mga kasong hinaharap ng ating mga opisyal. Wala na ba itong katapusan?
          Ako, bilang isa sa mga kabataang may taglay na panlipunang kaalaman ay hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili na, “Saan ba ito nagsimula, ano ang pinagmulan ng mga kaguluhan dito sa ating kapaligiran?”
          Kung magbabalik- tanaw tayo sa ating nakaraan, masasabi natin na nagbalik ang kasaysayan. Kaya lang, ibang mananakop ang sa atin ay nakaumang. Minsan na tayong nasakop ng Hapon, Kastila’t Amerikano, pero ngayon… kapwa na mga Pilipino!
          Mga kaibigan, halos lahat na ng mga Pilipino ay gustong mamuno sa bansang ito. Halos lahat ay gustong maging makapangyarihan. Kesyo, pauunlarin ang bayan, edukasyon sa kabataan, pamumuhay sa mga mamamayan at maging kilala sa sandaigdigan. Puro pangako ang sa atin ay inilalaan, pangako para sa ikauunlad nitong bayan, pero ito’y nasaan?
          Hindi natin maitatago na ang bawat partido ay pawang may iringan sa isa’t isa. Kung kaya, halos lahat sila ay nagpapatalbugan. Bakit hindi na lamang pagsamahin ang lahat ng mga balang taglay ng mga kinauukulan? Hindi nga ba’t may kasabihang sa Pagkakaisa may Kaunlaran?
          Mag kaibigan hindi makakatipon ng dumi ang isang walis tingting kung ito’y nabuwag, kung kaya’t kinakailangan itong bigkisin ,upang may lakas itong masimot ang mga duming nakakalat na hadlang upang ilabas ang tunay na kagandahan ng isang kapaligiran.
          Mahal kong mga tagapakinig, ang bansang Pilipinas ay katulad ng paligid na iyon. Na kapag puno ng mga dumi ay hindi mo masisilayan ang tunay na kakanyahan nito. Kung kaya’t mayroon itong mga mamamayan upang maiahon ito sa putikan. At tayo iyon mga kaibigan, na kapag magkakawatak watak tayo,mawawalan ng silbi ang lahat ng ating plano.
          Mga kapatid ,hindi pa huli ang lahat, kumpunihin  ang mga bagay na nasira. Ayusin ang mga di pagkakaintindihan. Sapagkat, tayo ang natatanging susi upang kayaman ay mabuksan. Nasa ating kamay ang ating kaunlaran. At ito’y maisasagawa sa pagkakaisa nating mga mamamayan.
Aanhin natin ang katalinuhan kung walang pagtutulungan? Aanhin natin ang kakayahan kung walang pagkakaintindihan? Aanhin natin ang lahat ng kayamanan kung walang pagkakaisa ang mga mamamayan? Sapagkat, pagkakaisa ang tanging sandata natin upang mapatibay… mapalakas… mapaunlad…at…maiangat ang ating bayan sa sandaigdigan.
Tayo na mga Pilipino! Harapin natin ang bukang liwayway, ginintuang pangako ang tinataglay,sa ating bukas…sa ating buhay, kaisang puso ang dakilang patnubay!
          Maraming salamat po! 

No comments:

Post a Comment